Paano nga ba?


Hunyo 19, 2011, ang ika-150 na kaarawan ni Dr. Jose Rizal. Ipinost ko ito sa dati kong blog at sa tamarawbayan.com(na parehong wala na, di ko lang sigurado sa huli). Pagkatapos ng tatlong taon, heto ulit ang maikling kwentong ‘yon. Magustuhan mo sana ito.

“So, anong gagawin natin?”

Gusut-gusot ang utak ng tatlong estudyanteng nasa loob ng klasrum at kanina pa namomroblema sa proyektong ipinapagawa ng kanilang professor sa RIZLIFE. Hindi nila malaman kung ano ang gagawin nilang tribute para sa ika-150 na kaarawan ni Gat Jose Rizal—kung hindi sila makagagawa, malaking porsyento sa asignatura ang ibabagsak nila.

“May naisip na ba kayo?” tanong ng naka-salaming lalake, si Jose, kulot ang maiksing buhok, payat, may nunal sa noo, at hawak ang Rizal Without Overcoat ni Ambeth Ocampo sa kanang kamay. Hinahanapan niya ng sagot ang dalawa niyang kasama—parehong lukot ang noo, nakatulala ang isa sa labas ng bintana habang nakapako sa kisame ang mga mata ng isa.

Nag-ayos ng upo ang kaninang nakatunganga sa kisameng si Dan at tinignan ang nag-uusisa. “Ikaw ang matalino sa atin kaya dapat may mas naisip ka na.”

Nagpigil ang medyo napikong estudyante, inayos niya ang kanyang salamin bago nagsalita. “Hindi naman porke’t ako ang matalino e hindi na kayo mag-iisip. Aba, dapat tayong tatlo ang nag-iisip dito, ‘no, hindi lang ako. Tandaan niyo, group project ‘to kaya dapat—”

“Just shut up,” biglang natigil si Jose sa pagsasalita, “Mas mahihirapan tayong mag-isip kung magtatalo-talo pa tayo. Hay… Tang-ina naman kasing professor ‘yan. Ano ba naman kasing subject ‘yan? Kelangan ba talaga natin ‘yan? Ni hindi ko naman ‘yan magagamit pag-graduate, eh,” bulalas ni Leigh na kanina pang napipika sa dalawa at sa pinoproblema nilang proyekto.

“Wala tayong magagawa. Kelangan talaga natin ‘to para pumasa,” pangatwiran ni Dan, nakaunan sa kanyang ulo ang kanyang mga kamay, nag-iisip pero walang iniisip—naghihintay lang matapos ang kanilang meeting.

Sumagot si Leigh: “Nag-computer engineer ako kasi gusto kong maging engineer. And, I don’t really think this subject will have any relevance to my course. It’s just bullshit. Heard that? Bullshit. Kung hindi lang talaga kelangan ‘to para pumasa. Hay buhay…”

“Wala nga tayong magagawa. Hay naku, tang-inang buhay ‘to. Anhirap mag-isip!” Bugnot na sagot ni Dan sabay kamot sa ulo saka muling tumulala sa kisame bago pumikit ngunit agad ding tumayo at kinuha ang cellphone sa bulsa at tinignan ang oras—kaunti na lang, matatapos na rin ang meeting, sabi niya sa kanyang sarili. “Ano? May naisip na ba kayo?” muli niyang tanong sa dalawang kasama.

“Wala. Eh ikaw ba? Kanina ka pa puro reklamo d’yan, di ka naman yata nag-iisip,” sagot ni Leigh. Matalim ang tingin niya sa kaklase ngunit wala ring naisagot si Dan bukod sa “Sira, nag-iisip kaya ako.”

Sa kalagitnaan ng kanilang pag-iisip, biglang nagtanong si Jose: “Kailangan pa ba talaga ng tribute para kay Rizal? Kasi, naisip ko lang, para saan pa ang pagbibigay-pugay sa kanya, ang bawat event na iti-tribute para sa kanya kung sa mga ginawa niya eh hindi naman natin nabigyan ng kaukulang pagpapahalaga? Kung sa bawat pagmamahal para sa bayan na ibinuhos niya eh wala man lang tayong makuha kahit kaunti? Kung sa bawat aksyong ginawa niya para sa bayan eh wala man lang tayong magagaya? Para saan pa, di ba? Parang wala ring kwenta. Parang, isa na lang siyang dekorasyon sa kalendaryo, isang palamuti sa kasaysayan ng Pilipinas, isang mukha sa piso, isang pangalang hindi nabibigyan ng pagpapahalaga, isang taong pagkatapos ng mga isinakripisyo niya eh wala man lang Pilipino ngayon ang makuhang ipagpatuloy ang pagmamahal na ibinigay niya. Nakakaasar lang. Nakakapikong isiping isa na lang siyang kasangkapan para sa komersyo, para kumita ng pera, para pagperyahan at pagkaguluhan at pagkatapos ng lahat ng pagdiriwang at mga pakulo, muli siyang kalilimutan ng lahat, kasama ang lahat ng bagay na ginawa niya, lahat ng kanyang mga ipinamana.”

Isang malungkot na katahimikan ang biglang sumampal sa kanilang mga sarili pagkatapos marinig ang lahat ng sinabi ni Jose. Lahat sila, nalugmok sa katotohanang isinigaw ng mga salitang gumuhit sa hangin sa loob ng klasrum. Sa loob ng ilang minuto, walang umimik sa kanila; lahat, malalim na nag-isip at binulay ang kanilang mga narinig.

“Kawawa naman si Rizal,” mahinang sambit ni Dan na ngayo’y nakayuko at malungkot.

“Kawawa ang mga Pilipino,” tugon ni Leigh habang nakatingin sa labas ng bintana, tanaw ang madungis na siyudad. Sumagi sa kanyang isipan kung may halaga pa ba sa bawat naghihirap na Pilipino ang mga nagawa ni Rizal.

“’Lang’ya. Hanggang sa mga t-shirt na lang ‘yung pagiging makabayan ng mga Pilipino, eh. Sigaw nang sigaw ng “Filipino Pride” blah blah pero hanggang doon lang naman tayo. Pa-pride-pride pa wala rin namang nagagawang mabuti ‘yang pride na ‘yan. Naiinis tuloy ako.”

“Hay…Ano, sa tingin niyo, ang dapat nating gawin?” usisa ni Jose. Nilakad niya ang kanyang mga mata sa dalawang kasama.

Marahang lumingon si Leigh sa nagtanong, “Gawin saan? Sa project natin sa RIZLIFE o sa mga nagawa ni Rizal?”

“Ahm…” nag-isip si Jose at bumuntung-hininga bago sumagot, “pareho.”

“Anhirap naman. Wala pa nga akong naiisip, eh.” Sabay kamot sa ulo si Dan.

“Eh kanina ka pa walang naiisip, tukmol.”

“Grabe ka naman, Leigh. Nag-iisip naman talaga ako. Wala lang talaga ako makulangot sa utak ko.”

“Ewan.”

“Sa tingin niyo, makabayan pa rin ba tayong mga Pilipino? Hanggang saan ang pagmamahal natin sa bayan? Mahal ba talaga natin ang Pilipinas?” muling tanong ni Jose.

Sumagot si Dan, “Sa tingin ko, oo pa rin naman. Kaso, naghihirap ang karamihan sa atin kaya ‘yang mga ganyan eh wala sa prayoridad ng nakararami.”

“So, kung mayaman ang lahat ng Pilipino eh magiging prayoridad na natin ang pagmamahal sa bayan?” sabat ni Leigh.

“Sa tingin ko, hindi pa rin. Kung mahal kasi talaga natin ang ating bansa, mahirap man tayo o mayaman, gumagawa pa rin tayo ng mga paraan para maipakita ito kahit sa maliliit na paraan araw-araw. Nasa isip at puso naman talaga ang pagiging makabayan; hindi ito nakukuha tulad sa mga masyadong papansin na advertisement. Pero, ito ang riyalidad, mas kailangan ng mga Pilipino ngayon ang pera. Kaya nga usung-uso ang mga makabayan na damit, mugs, bags, sumbrero, kahit hindi naman talaga kailangan ng mga gano’n. At kapag nalaos na ito, wala na ring silbi.” Saglit na uminom ng tubig si Jose saka naman nagsalita si Leigh.

“Tanong lang: Kailangan pa ba talagang magkaroon ng okasyon para maging patriotic ang isang tao? Kailangan pa bang mag-birthday ng ilang daang taon si Rizal para ipakita kung gaano ka ka-proud sa lahi mo? Kailangan pa bang maging maugong ang isang bagay o tao o pangyayari bago natin pagkainteresan? Ambabaw nating lahat. Kahit ang pagiging makabayan natin eh napakababaw.”

“Hahaha. Oo nga, eh. Halimbawa, nanalo na naman si Pacquiao, ganito tayo, eh: “Congratulations Manny Pacquiao! I’m proud to be a Filipino!” Hahahaha!” pang-uyam ni Dan.

“Hay…Nalulungkot lang ako sa usapan nating ito. Siguro tama na muna ‘to para sa ngayon. Umuwi na tayo’t gumagabi na. Mag-isip na lang tayo ng ipa-project natin. Text-text na lang.” Kinuha ni Jose ang kanyang bag at isinukbit sa kanyang balikat. Tumayo na silang tatlo at palabas na ng klasrum nang bigla kang dumating  – hingal na hingal at nagmamadaling binuksan ang pintuan.

“P-pasensya kung na-late ako. K-kumusta pala ang meeting natin?” habol-habol ang hininga mo sa pagod. Pareho silang nagulat sa’yo at batid mong gusto nilang itanong kung saan ka nanggaling ngunit alam na rin nila kung bakit ka nahuli. “A-ano’ng nangyari?”

“Late ka na naman kasi, eh. Lagi ka na lang ganyan,” naiinis na sagot ni Dan.

“Pa’no ‘yan eh pauwi na kami? Wala pa nga kaming naiisip para sa project, eh, tapos male-late ka pa,” pikon na sagot ni Leigh at tumutusok ang kanyang mga mata sa’yo. Tumingin ka sa inyong lider na si Jose at humingi ka ng paumanhin at nagprisintang bigyan ka na lang ng gagawin upang mapunan mo naman ang iyong mga kakulangan sa grupo. Agad siyang kumuha ng papel at nagsulat at saka niya ito ibinigay sa’yo upang sagutan. Nagsabi siyang kailangan niya ang sagot kinabukasan. Um-oo ka naman agad. Umalis na muna silang tatlo bago mo nabasa ang nasa papel.

Mag-isa ka na lang ngayon sa loob ng klasrum. Madilim na sa labas. Sabik ka na ring umuwi. Tumutulo ang iyong pawis sa hawak mong papel. Saka mo binasa ang nakasulat: “Mahal mo ba talaga ang Pilipinas? Paano mo ito mapapatunayan?”

“Paano nga ba?” tanong mo sa iyong sarili.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: