Graduation 2012


Dapat puro komiks at drawings lang ang nandito pero dahil sa palagay ko, nararapat lang na i-post ko ito lalo para sa mga nagsipagtapos ngayon, at dahil pagkatapos ng ilang taon eh nakapag-speech ulit ako, heto, pinost ko ang speech ko kaninang graduation sa alma mater ko. Masaya ako dahil, para sa akin, nagawa kong mahusay ang speech ko at nai-deliver ko ito kanina ng maayos. Kaya, heto na:

Magandang araw sa inyong lahat, sa ating pinakamamahal na principal, sa mga guro, sa mga panauhin, sa mga magulang, at sa lahat ng estudyanteng magsisipagtapos ngayon.

 

Sino sa inyo ang magkakabarkada? Sino ang parang may sariling mundo? Meron pa rin bang magkaaway ngayon diyan? Sino sa inyo ang mag-syota(naku, alam ba ng mga magulang niyo ‘yan?)? Sino sa inyo ang may crush sa kaklase niya pero hindi pa inaamin hanggang ngayon? (Umamin na kayo) Sino ang palaging humihingi ng papel sa kaklase? Sino ang palaging nagbibigay ng papel?

Pa’no ba ‘yan? Magkakahiwa-hiwalay na kayong lahat pagkatapos ng araw na ‘to. Sa mga darating na taon, magiging buo pa rin kaya ang barkadahan ninyo? Magiging magkasintahan pa rin kaya ang mga mag-boyfriend-girlfriend ngayon? Magkakaroon na kaya ng lakas ng loob ang mga torpe? Magbabati pa kaya ang mga magkakaaway? Magkakaroon pa kaya ng iba pang mundo ang mga taong may sariling mundo? Mas babait pa kaya ang mga mababait ngayon? E ang mga pasaway? Mas magiging pasaway kaya? Matututo kayang magdala na ng sariling papel ang mga palahingi ng papel? At magiging mapagbigay pa rin kaya ang palaging hinihingian ng papel? Hindi natin alam.

 

Pero isa lang ang alam nating sigurado: mami-miss ninyo ang bawat isa.

 

Mami-miss ninyo ang inyong mga katabi sa klase. Ang mga teacher, gusto niyo man o hindi, siguradong mami-miss niyo pa rin. Mami-miss ninyo ang flag ceremony. Mami-miss ninyo ang klasrum na naging tahanan niyo sa loob ng ilang taon. Mami-miss ninyo ang bawat sulok ng paaralang ito. Mami-miss ninyo ang intrams. Mami-miss ninyo ang field demonstration. Hahanap-hanapin ninyo ang field trip. Hahanap-hanapin ninyo ang mga harutan, kulitan, asaran, kantyawan, mga kalokohan, mga masasayang araw na magkakasama kayo, mga araw na sabay-sabay kayong tumawa, umiyak, at mainis sa biglaang pa-quiz ng inyong guro. Hahanap-hanapin ninyo ang mga taong inaasahan niyo ng sagot tuwing may exam, at pati mga pinagkokopyahan niyo ng assignment. Hahanap-hanapin ninyo ang bawat sandaling pinagsamahan niyo sa loob ng apat na taon.

 

Maikli at mabilis ang apat na taon…pero parang ambagal noong nag-aaral pa lang. Apat na taon(o higit pa) kayong magkakakilala. Apat na taon kayong pumasok sa eskwelahang ito. Apat na taon kayong tinuruan at dinaldalan ng mga guro. Apat na taon nilaga ang utak at sarili ninyo sa mainit na sabaw ng karunungan. Apat na taon.

 

Biruin niyo ‘yun, nalagpasan ninyo ang apat na taong ‘yon. Palakpakan niyo naman ang inyong mga sarili para sa tagumpay niyong ito. Palakpakan niyo rin ang inyong mga magulang na nagsakripisyo para sa inyo. Palakpan niyo rin ang inyong mga gurong gumugol ng oras para kayo’y maturuan, ganoon din ang eskwelahang ito na nagsilbi ninyong tahanan. Bigyang pugay ninyo sila at ang inyong mga sarili.

 

Sa apat na taon, ilan sa inyo ang nakabasag ng beaker sa science lab? Ilan sa inyo ang natuwa o nainis sa ilang guro? Ilan sa inyo ang napaiyak dahil sa santambak na projects? Ilan sa inyo ang naging aktibo sa mga activities ng paaralan? Ilan sa inyo ang nawalan na ng pag-asa dahil walang makopyahang sagot sa exam? Ilan sa inyo ang naging pasimuno sa mga di malilimutang kalokohan? Ilan sa inyo ang naging masipag huwag gumawa ng assignment? Ilan sa inyo ang nagpuyat matapos lang ang sabay-sabay na projects, assignments, reports, review, at paglalaro ng DOTA(at pag-fe-facebook)? Pero, higit sa lahat, ilan sa inyo ang nakaranas ng problema, ginhawa, lungkot, at saya sa loob ng klasrum?

 

Ang sagot: kayong lahat.

 

Mahaba na ang nilakbay ninyo pero maikli pa ‘yon sa inyong tatahakin. Marami na kayong pinagdaanan pero kaunti pa lang ‘yon sa mga pagdadaanan niyo pa. Mahirap at masarap. Mahal pero sulit. Andaming sakripisyo, andaming puyatan. Kahit may mga pasaway na teacher, mas marami pa rin ang mga pasaway na estudyante. Marami kayong babaunin, marami rin kayong itatapon.

 

Sa loob ng apat na taon, sino ka na kaya ngayon? Maraming bang nabago? Mas dumami ba tigyawat mo sa mukha? Tumangkad ka ba? Iyakin ka pa rin ba? Palaasa ka pa rin ba sa iba? Sumipag ka ba kahit konti? Nanghihingi ka pa rin ba ng pagkain sa iba? Anu-ano ang mga natutunan mo? Natuto ka ba? Alin-alin sa mga natutunan mo ang iyong babaunin?

 

Buhay-estudyante. Paano nga ba natin ilalarawan ang buhay-estudyante? Isipin ninyo ang isang manggang hilaw. Masarap pero maasim. Tapos, dadagdagan niyo pa ng bagoong, mas lalong sumasarap kahit nadagdagan ang asim ng alat. Sa asim at alat natin nalasahan ang masarap na buhay-estudyante.

 

Sa ilang taon niyong pag-upo sa loob ng klasrum, natuto kayo hindi lang sa pag-dissect ng palaka, sa walang katapusang paghahanap kay ‘x’ sa Algebra, sa tamang paggamit ng maikling ‘ng’ at mahabang ‘nang’, sa kung kailan ginagamit ang ‘would’ at ‘could’, sa kung sino sina Florante at Laura, sa kung bakit nga ba naging bayani si Rizal, sa kung ano ba ang ibig sabihin ng ‘Law of Supply and Demand’, sa kung paano nagsimula ang giyera sa pagitan ng Amerikano at Pilipino, at sa kung bakit nga ba mahilig mang-ipot ng tao ang Ibong Adarna. Natuto kayo ng mga bagay higit pa sa inyong mga inaasahan, at hindi lang dahil sa mga aklat at guro kayo natuto, kundi dahil din sa mga nangyari sa inyong buhay, sa mga tao sa inyong paligid, sa bawat pagkakadapa’t pagkakamaling inyong naranasan. Mga aral na hindi niyo kalilimutan. Mga aral na humubog sa kung sino kayo ngayon. At natutunan niyo, na marami pa kayong dapat matutunan.

 

Kaso, hindi pala lahat ng damit sa sampayan, dapat nang kunin. May ibang basa pa kaya kailangan pang nakasampay at patuyuin. Hindi lahat ng nakasama ninyo noon, makakasama ninyo sa pagtatapos. Malungkot mang isipin, ganoon talaga. At hindi lahat ng nakasama ninyo ngayon, makakasama ninyo sa hinaharap. Malungkot mang isipin, may kanya-kanyang landas na tatahakin ang bawat isa.

 

Noong nagtapos ako noong kolehiyo, hindi lahat ng naging kaklase ko e kasabay kong nagtapos. Dahil doon, bigla kong naisip na hindi pala sukatan ng kakayahan ng tao ang pagtatapos. Hindi pwedeng gawing ruler sa tagumpay ng isang estudyante kung gagradweyt man siya sa tamang panahon o hindi. Ni kung gaano siya kagaling o hindi. Ni kung valedictorian, salutatorian, o palaging lowest score siya sa exams, hindi pa rin pwedeng sukatin ang tao sa ganoon lang sapagkat hindi lahat ng tungkol sa kanya ay nakasulat sa diplomang tatanggapin niya sa graduation. Higit pa sa nakasulat sa Transcript of Records niya, iskor sa exams, at sa tingin ng mga guro at ng kanyang mga kaklase sa kung sino at kung anong mayroon siya.

 

Nasa bagong yugto na kayo. Sana, pagkatapos nito, magpatuloy pa rin kayo sa pag-aaral. Ika nga ng nabasa ko sa isang aklat, “Dalawang dekada ka lang mag-aaral. Kung di mo pagtitiyagaan iyon, limang dekada ng kahirapan ang kapalit.” Mahalaga ang edukasyon kaya pahalagahan niyo ito.

 

Bukod doon, tuparin niyo rin ang inyong mga pangarap. Kung hindi mo alam kung ano ang pangarap mo, hanapin mo. Alamin mo ang mga bagay na gusto mong gawin. Mga bagay na nagpapasaya sa’yo. Mga gawaing hindi ka nabo-bored. Hanapin mo sa sarili mo kung ano ang talento mo, bukod sa paglalaro ng DOTA, kasi sayang kung hindi mo ito hahasain at magagamit.

 

Binigyan tayo ng Diyos ng kakayahang mangarap, kaya binigyan Niya rin tayo ng kakayahang tuparin ito. Nasa sa iyo na ‘yon kung gagamitin mo ang kakayahang iyon. Huwag niyong sayangin ang pagkakataon. Huwag niyong pakinggan ang mga taong nagsasabing kalokohan lang ang mangarap. Takpan niyo ang inyong mga tenga sa mga nagsasabing hindi mo matutupad ang pangarap mo. Huwag niyo silang pakinggan. Basta tuparin mo ang pangarap mo, at huwag na huwag mo itong susukuan. Ika nga ni Jess Abrera, isang nagkokomiks, “Basta gawin mo lang ‘yung gusto mo, huwag mo isipin ‘yung pera, darating na lang ‘yun.” At maniwala kayo sa sarili niyo sapagkat ang una’t huling taong maniniwala sa inyo ay ang sarili niyo rin.

 

Sa pagtapak niyo sa kolehiyo, sana, kunin ninyo ang kursong malapit sa pangarap niyo, malapit sa puso niyo. Hindi dahil malaki raw ang kita rito pagkatapos. Mag-aral din kayo para matuto, hindi para lang pumasa. Kung mag-aaral kayo para matuto, sigurado na kayong pasado. Masarap sa pakiramdam ang makapasa, pero mas masarap kapag alam mong natuto ka. Sa kolehiyo rin, hindi palaging isinusubo sa iyo ang mga bagay na dapat matutunan. Dapat matuto ka ring subuan ang sarili mo. Dapat maging mas matatag, mas responsable, mas masipag, at mas matiyaga. Kaunting apat o limang taon na lang ‘yan, makakaraos ka na rin sa pag-aaral. At huwag muna kayo mag-aasawa. Tulungan niyo muna ang inyong mga magulang na walang sawang nagpapaaral sa inyo at nagmamahal. Suklian niyo sila. At saka, masarap maging teenager, huwag niyo itong palalampasin.

 

Iangat ninyo ang inyong mga sarili. Umangat kayo ng hindi nanghihila ng ibang tao pababa. At sa bawat pag-angat niyo, huwag niyong kalilimutang i-Mighty Bond ang inyong mga paa sa lupa. Huwag niyo rin kalilimutang tumulong sa pag-angat ng iba. At huwag niyong kalilimutan ang mga taong tumulong sa inyo para umangat.

 

Isang mangangalakal ang ipinadala ang kanyang binatang anak sa wise man para matutunan niya kung ano ang Sikreto ng Kaligayahan. Naglakbay ang binata ng apatnapung araw hanggang marating niya ang napakagandang kastilyo sa tuktok ng bundok. Doon nakatira ang wise man na hinahanap niya.

 

Gayunpaman, sa halip na makita ang wise man, nakita niya sa pagpasok niya sa kwarto ang isang napakaabalang lugar; mga mangangalakal na paroo’t parito, mga taong nag-uusap, isang orkestrang tumutugtog ng magagandang awitin, at sa isang mesa nakahain ang pinakamasasarap na pagkain sa buong mundo.

 

Nakikipag-usap ang wise man sa lahat, at kailangang maghintay ng dalawang oras ang binata para makausap ito.

 

Pagkatapos niyang maghintay, nakausap na rin niya sa wakas ang wise man, at mataimtim naman nitong pinakinggan ang dahilan ng pagpunta ng binata ngunit sinabihan siya ng wise man na wala siyang oras para ipaliwanag kung ano ang Sikreto ng Kaligayahan.

 

Iminungkahi na lang ng wise man na libutin na lang ng binata ang buong palasyo at bumalik pagkatapos ng dalawang oras.

 

“Gayunpaman, may ipapakiusap ako sa’yo,” dagdag ng wise man, saka ibinigay ang isang kutsara at dalawang beses itong pinatakan ng langis. “Habang naglalakad ka, dalhin mo itong kutsara at huwag mo hahayaang matapon ang langis.”

 

Nilibot na ng binata ang palasyo, baba-akyat siya sa mga hagdanan, at hindi hinahayaang matapon ang langis sa kutsara. Makalipas ang dalawang oras, bumalik siya sa wise man.

 

“Kung gayon, nakita mo ba ang mga tapiseryang gawa sa Persia na nakasabit sa silid-kainan? Nakita mo ba ang hardin na ginawa ng pinakamagaling na hardinero sa loob ng sampung taon? Napansin mo ba ang magagandang aklat sa silid-aklatan?” usisa ng wise man.

 

Nahiya ang binata dahil hindi niya napansin ang mga iyon sapagkat nakatutok siyang huwag matapon ang langis sa kutsara na ipinagkatiwala sa kanya ng wise man.

 

“Mabuti pa’y muli kang bumalik at pagmasdan mo ang kagandahan ng palasyo,” ika ng wise man. “Mahirap pagkatiwalaan ang isang tao kung hindi mo kilala ang kanyang tahanan.”

 

Nang makapagpahinga, muling kinuha ng binata ang kutsarang may dalawang patak ng langis at nilibot ang buong palasyo, ngunit ngayon, pinagmasdan na niya ang magagandang sining na nakasabit sa kisame at dingding. Nakita niya rin ang hardin, ang mga bundok sa paligid ng palasyo, ang magagandang bulaklak at iba pang namumukod tanging sining na nakalagay sa mga angkop na lugar. Sa pagbalik niya sa wise man, ikinuwento niya ang lahat ng kanyang nakita.

 

“Ngunit nasaan ang dalawang patak ng langis sa kutsara na ipinagkatiwala ko sa’yo?” tanong ng wise man.

 

Pagtingin niya sa kutsara, wala na itong langis.

 

“Kung gayon, ito lang ang maipapayo ko sa iyo,” sabi ng wise man. “Ang Sikreto ng Kaligayahan ay ang pagpansin sa lahat ng kagandahan ng mundo nang hindi mo kinakalimutan ang dalawang patak ng langis sa kutsara.”

 

Nabasa ko ito sa aklat na The Alchemist ni Paulo Coelho, at isa ito sa pinakagusto kong kwento na lagi kong binabaon na sana’y baunin niyo rin mula sa araw na ito.

 

Pagkatapos ng sampung taon, kung sakaling magkikita man ulit tayo(iyon ay kung maaalala pa natin ang isa’t isa),  nawa’y naabot niyo na ang inyong mga pangarap, at matagumpay na kayo sa inyong sariling buhay. Pa-autograph kapag nangyari ‘yon.

 

Ayan, ga-graduate na kayo, kaya yung mga may utang pa diyan sa kaklase niya, magbayad na.

 

Muli, sa lahat ng magsisipagtapos, congratulations!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: